~ Wednesday, September 10, 2003

 "I'm a Meteor Garden fan. I have them tattooed in my arm."


Hahahaha.


~ isinulat ni kookie ng 12:20 PM :.

~ Monday, August 18, 2003

 Mga Kuwentong Masscom


Para sa Iyo, Crush kong Bobo

Naaalala ko pa nung una kitang nakita sa ating kolehiyo na kilala bilang College of Song and Dance (aka. "MassCom"). Pangit ka pa noon sa paningin ko. Isa ka lang ordinaryong 6-footer na nagmumukhang di ordinaryo dahil basketbowl pleyer ka. Pake ko dun! Eh mukha ka naming intsik na siopao. Galit ako sa mga basketbowl pleyers noon. Tingin ko sa kanila eh parang mga naglalakad na tuod na walang laman ang utak. (heps, heps, bawal mag-react). Pero noong mga sumunod na araw, kasabay din ng pagbago ng mundo ang pagbago ng itsura mo (wow dude, deep). You weren't just a typical bball-player looking guy... you were exceptional. Yak! Eh kung sabuyan ko kaya ang sarili ko ng asido sa sobrang kakornihan ko! Pero hindi nga, napansin ko, cute ka rin naman pala at ayon sa Globe commercial: "May potential...". Hindi ako mahilig tumambay sa Maskom noon. Pero nung ma-realize ko na ala-eh, crush na pala kita... mali, type na type na pala kita (peksman!), ginawa ko nang ritwal ang pagtambay sa ating beloved College of Mass Communication.

Pero wag naman sana lumaki ang ulo mo. Hindi lang naman ikaw ang inaabangan ko dun. *dagok! Aray! Wushu! Ehehe. Istayl kong bhulok. Pero bakit ba ako nag-aalala na lalaki ang ulo mo eh sa sobrang pagka-dense mo, malamang hindi mo rin mage-gets na ikaw ang tinutukoy ko! Eh gusto mo pa atang hagisan kita ng bola istrayt sa mukha mo para lang magising ka sa nakakabulag na katotohanan... nakakabulag dahil sadyang nakakabulag ang aking kagandahan. Ahahahaha. Pati ata ako nabaliw na. That is your effect on me...

You drive me crazy, I just can't sleep
I'm so excited, I'm into deep
Owohow crazy, but it feels alra-I-yayt
Baby thinkin' of you keeps me up all night!

Baby, I'm so into yo*$%... Ak, ak!!! Sige, titigil nako!


Kasabay nang pagtambay ko sa Maskom at sa paghahangad na maaninag ang maputi (at minsa'y pimpol-in) mong mukha, nakakilala ako ng mga bagong kaibigan. Oo mga kaibigan. Kaibigang kaharutan, kakulitan, kaasaran, at kasamahan sa pagkain ng lunch sa kantin ng Music at ng balls ni Manong Romeo (ops, bawal mag-isip ng bastos!). Kaibigang kasama sa pagpapaka-epileptik at pagpapaka-baliw, habang sinasayaw ang kanta ni Michael Jackson na "Who's Bad?!" at pini-perform ang "Bal-bal" movements. Karamay ko rin sila sa paghangad na magkasama tayo, kahit man lang sa tabi ng railings ng Maskom. Garave, as in garave, hindi ko alam kung saan mo namana ang sobrang pagka-dense mo. Hindi ka naman kaya nilublob ng nanay mo sa tubig nung bata ka o kaya sa naglalagabgab na mantika? Aba! Eh tipong ipagsigawan ko na at ng mga kaibigan ko ata ang dakilang pagnanasa, este pag-ibig ko sayo, di mo pa rin ma-gets! Anak ng tipaklong naman! Hindi pa ba obvious ang "last 2 minutes" cheer ng mga kaibigan ko?! Kailangan pa ba naming kantahin ang peborit song namin para sayo (na may kasama pang choreography to match) na: "_O__, _ _ _ _, _ _ _ _ _ _ _ _ _ _!" para lang ma-realize mo na ikaw, oo ikaw, ang gusto ko? (Oo nga pala, galingan ninyo sa game niyo ha. *kindat, kindat). Hehehehehe.

Sayang. Sayang at walang nangyari sa atin. Sayang at hindi mo man lang naramdaman ang aking makapigil-hiningang yakap, ang aking masarap na halik, ang is-mooth kong balat sa iyong magaspang na balat (ano?!), ang hubad kong katawan sa hub@&^... Huwhaaatt? Bastos! Hehe. Oki, I shall istop.

Sayang at mas pinili mo yung babaeng iyon! Eh mas cute naman ako sa kaniya ha! At mas matangkad pa! Masmadaling I-kiss! Huwaaat?! Haha. I'm bitter. I know. Sige nga, use 'bitter' in a sentence. "Hay, after 24 hours of exercising, I feel so much bitter now" or "Ma'am, do you prefer margarine or bitter (pronounced as 'bEtter', longkatoots-style)?" Hahahahahaha.

Korni.

Pero hindi nga. Sayang at hindi tayo nagkakilanlan ng lubusan. Hanggang tingin lang ako sayo. (Sana man lang ikaw rin). Kung hindi dahil sa panunukso ng partner mong anak-ng-isang-fofular-na-basketbowl-pleyer-noong-Crispa-days-pa-at-hindi-naman-pinapasok-sa-laro-dahil-sablay-ang-tira, hindi mo na siguro ako napansin on that (un)eventful day of February 14, 2003 around 4 in the afternoon. Kinilig pa naman ako nun.

Shucks.



~ isinulat ni kookie ng 9:02 AM :.

~ Tuesday, August 12, 2003

 Biyaheng Makati, Tuloy-Laway, Atbp.

Sanay na ako sa pagpila. Anak ng UP ata ito tsong. Susme, kung magawi ka man sa UP, lahat nang pupuntahan mo doon eh may pila. Mapa-xerox, registrar, drinking fountain, CR, terminal ng jeep, terminal ng tricycle, enrollment, kainan, rock concert, pop concert, senti concert, concert ng mga bading, concert ng mga tibo, concert ng mga aktibista at concert ng mga 'sosyal'-ista. Kahit nga ang hit na hit na Oblation Run, pinipilihan din, lalo na ang mga launching ng mga bomba films sa Film Center, "Starring Assunta de Rossi in 'Red Diaries' and Maui Taylor and Rica Peralejo in...". Pukanemshet yan o! Pero sige, wala na rin akong reklamo. Mas okey na ang may pila kaysa mag-asal aso na nag-aagawan sa buto ang mga tao di ba?

Eh bakit ko ba pinag-uusapan ang pagpila? Wala lang. Trip lang... Kasi sa pagpasok ko sa umaga goin' to work you know, pila sa pag-abang ng FX/L300/StarEx papuntang Makati ang bumubulaga sa akin. Minsan kung susuwertehin ay hindi na kailangang pumila. Pasok nalang direcho sa malamig na interior ng FX o L300 o StarEx. Para kang nakasakay sa schoolbus na pangmatatanda kapag lulan ka ng FX. Ang pinagkaiba lamang nito sa mga schoolbus talaga eh, hindi kayo closey-close ng mga kasama mo. Hindi mo sila puwedeng lokohin, kilitiin, pitikin sa tenga, kurutin sa puwet. Where's the fun da-bah? Eh pano, deins naman kayo magkakakilala. Eh alam namang chikahin ko to death na parang bata ang katabi ko? Baka titigan lang ako nun o kaya tarayan. Kahiya naman ata yun.

Sa loob ng FX, apat lang ang ginagawa ng mga pasahero: a) matulog, b) magdasal, c) makinig ng cd sa discman o kaya radio via-celfone at d) tumitig - tumitig sa pader ng FX, sa sahig, sa pintuan, sa bintana (sabay tanaw sa malayo tapos mag-senti), sa sapatos ng katapat mo, sa bag ng katabi mo at sa legs nang makita mong chick at gwapo. Titig-galore lang kayo hanggang sa tuluyang manuyo ang mga muta ninyo.

Ako? Minsan nakatitig rin lang. Pero madalas kong ginagawa ang option B - nagdadasal. Wushu! Pero di nga, nagrorosaryo habang paunti-unting pumipikit ang mga mata at minsan ay nakakatulog na. Kapag nilalabas ko nga ang rosary ko, parang alien ang tingin sakin ng mga kasama ko. Titigan ba raw ako? Rosary lang ang hawak ko at hindi isang zapperoid na puwedeng gamitin para matunaw ang mga pasaherong usisera na kasabay ko. Wala man sa itsura ko ang nagdadasal, eh marunong naman ako nun. Minsan lang sa sobrang antok ay napagjajambol-jambol ko na ang mga misteryo ng rosaryo. Sorry po ulit, tao lang. Hindi naman siguro nakasalalay sa pagbigkas ko ng rosaryo ang pagpunta ko sa langit o impyerno... da-bah?

Pagkatapos ko magrosaryo eh direcho tulog na ako. Hanep. Feeling ko naman ang layu-layo ng biyahe ko, eh hanggang Makati lang naman. Pero pake niyo ba! Eh kulang ako sa tulog nung isang gabi eh, kaya binabawi ko na lang sa FX. Ang bad trip lang sa pagtulog sa FX? Yung hindi mo maiwasan na mapahilig sa katabi mo tapos biglang magigising ka nalang kasi sinisiko ka na nang katabi mo (sabay kasama ang isang mapangtunaw na tingin na nag-uumapaw sa katarayan o kasupladuhan). Kaka-conscious di ba? At di lang yun, yung hindi ka man mahilig sa katabi mo eh parang uuga-uga naman ang ulo mo kasabay ng pag-uga ng FX. Para kang rocker na nasa mosh pit at sayang-saya sa pag-head bang. Mukha kang tanga nun, for sure. Pero ang malupit, eh yung makatulog ka sabay tuloy ng laway. Yak noh!!! Pero aminin! Marami sa atin ang naka-experience ng ganon. Eh pano ba naman, kapag tulog tayo, hindi naman natin mako-kontrol ang ating mga saliwary glands na magpumigil gumana. Yun ngalang, kapag nangyari yun, wa-poise ka. As in! Minsan nangyari na sa akin yun. Kadiri. Yakness. Pero buti nalang gabi nun at naka-itim ako kaya di napansin ng mga kasama ko na tumulo laway ko. Hahahahaha! Gud. Pero wag, amoy laway naman ako. Ehehe.

May nakalimutan pala ako. Under ng option C ay ang sub-option na C.1: pagkanta kasabay ng pakikinig sa discman o radyo sa telepono. Parang mga kuwentong-utot yan eh. Yung tipong akala mo hindi ka naririnig ng mga kasama mo sa jeep o FX na umutot dahil sa sobrang lakas ng volume ng cd mo at feeling mo nalulunod ng volume ng cd mo ang tunog ng utot mo. Ganun din yun sa pagkanta. Tanga ka kung di mo mapansin yun. Pero minsan naman may ibang nilalakas ang pagkanta deliberately. Well, hindi naman talaga yung malakas na tipong iskandaloso na. Yung lakas na rinig lang ng mga 3-4 na mga pasahero, proximity-wise. Still, dyahe pa rin yun.

Sa biyaheng papuntang Makati, maraming puwedeng mangyari. Marami ring puwedeng gawin. Mamili ka nalang sa mga nabanggit ko. O kaya ikaiy mag day-dream.

Bow.







~ isinulat ni kookie ng 12:08 PM :.

~ Friday, August 08, 2003

 *smile*

Strange Brew

Sa umaga man o kahit na anong parte ng araw, hindi ako umiinom ng kape. Depende na lang siguro kung inaantok na ako at may kailangan pa akong gawin o tapusin, at hindi maaaring unahan ako ni Morpheus sa pagyakap at pagdala sa aking sa kamunduhan ng pagtulog.

Pero ngayon, nahihilig na ako sa pag-inom ng kape. Siguro dahil uso dito iyon sa ofis. Makikita ko ang mga ofismeyts ko na sarap na sarap sa pagsipsip ng Coffee Jelly frap. Noong bago pa ako sa ofis, mega buy rin ako ng Coffee Jelly frap at iced Caramel Macchiato. Pero ngayon, dahil nagtitipid, si mr. Great Taste at Nescafe nalang ang iniinom ko. Ganon rin naman yun eh. Mahal lang sa Starbucks kasi Starbucks yun. Ihalo mo ang Nescafe sa isang baso ng ice at ilagay mo sa blender, tapos lagyan mo ng whipped cream sa ibabaw, frap na rin yun! Hindi na nila mapapansin. Mambola ka nalang at sabihin mong gumamit ka pa ng high-quality coffee beans na kinuha mo pa from the deep forests of Mt. Nicaragua at siguradong bibilhin ng tao ang cheap mong kape.

Ewan ko ba kung anong meron sa kape pero tuwing pagkatapos kong uminom ng kape, feel kong jumebs. Katulad ngayon, kakatapos ko lang uminom ng kapeng may creamer at nafi-feel ko nanaman ang urge na umupo sa kubeta. Pinipigil ko lang. Naalala ko tuloy ang isang radio ad na madalas i-air sa Wave 89.1: "Huwag kumain ng papaya, baka mapururot sa kubeta." (Bigkasin nang mabagal na mala-bisayang Rex Navarete and dating.) Siguro dapat din nilang sabihin na: "Huwag uminom ng kape, baka ikaw ay matae." Ewan ko ba. Caffeine o coffee-intolerant ba ako o talagang bulok lang ang tiyan ko? Ma at pa.

Masarap uminom ng kape sa umaga, lalo na kapag may kasamang yosi. Pag umiinom ako ng kape, gusto kong nagyoyosi sa baba ng building namin (dahil dun lang naman puwede - bwisit na Anti-Smoking ordinance yan!). Dun sa stairway marami ka ring makikita at mahuhuling nagyoyosi -- mga nagsusunog ng baga nila habang nakikipagchikahan at chakahan sa mga kapwa nila ofismeyts, pinag-uusapan ang leytest balita tungkol sa macho gwapitong si Sgt. Trillanes at ang kabobohang ginawa niya at mga kapwa niyang ideyalista sa Oakwood. Minsan ay maririnig mo rin silang pinag-uusapan ang pagkamuhi nila sa kanilang mga boss, tipong: "Bwisit na unggoy yun! And dami-daming pinagagawa sa'kin! Eh kung sa kaniya ko kaya ipagawa lahat ng pinapagawa niya sa'kin?! Ano akala niya sa akin?! May walong kamay?!" Minsan naman din ay maririnig mo ang mga mala-konyong empleyado na nagdedebate tungkol sa mga 'triumphs at victories' nila sa trabaho: "Shit, dude! I was able to close the deal with Katutay Inc. and because of that I'm going to get a bloody raise in my salary. Is't that uber-fantastic?" (sabay kindat). Shempre mejo exaggerated na ang pagkakuwento ko, pero parang ganon na rin ang essence nun.

Minsan habang nagyoyosi, may makikilala ka at may meron kang kakaasaran. Nung isang araw nga may chumika saking isang lalaking mukhang executive. Sa HSBC daw siya nagwo-work. Under daw siya ng Investmant Banking department. Tanong pa siya sa akin kung kailan daw sinimulan ang pagbabawal nang pagyoyosi sa walkway. Sus! Istayla niya lang yun para kausapin ako. Alam ko naming unang kita niya palang sa akin, type na niya ko. *Dagoink! Ang kapal naman ng mukha ko. So mabalik tayo sa sinasabi ko. So itong lalaking ito, mga bente-siyete na ang edad siguro. Hindi 'siguro'... 'malamang'. Ang sama ko ba? Hehe. Patawad, tao lang po. First impression ko sa kaniya? Mabait at matalino. At mukhang may asawa't anak na. Patawad uli. So like for ten minutes we talked about the dull topic of Investments and his travels abroad. Pabalik-balik daw siya sa Singapore, Hong Kong at dito dahil dun sa 3 bansang iyon siya based. Impreysiv di ba? All I can say is, "whatever". Hindi, pa-demure effect lang ako. "Actually... I was just cooling down..." Ay mali! Actually, na-amaze ako sa kaniya at sa mga achievements niya. Biruin mo, maka-raise ka daw ba ng P74 B in government shares? Hindi ka ba mamamangha at magtataka kung san nakukuha ng gobyerno ang pera at kung bakit patuloy pa rin ang korupsyon? O tama na. Di naman ako aktibista. I'm apateytic!

So ganito ang buhay ko ngayon. Nagsisimula sa isang kapeng nakakapagpahilo ng tiyan sabay yosi para masunog ang baga. Minsa'y umaasam na sana'y may makasama't makausap na matino habang naka yosi break. Sa susunod sana hindi executive ng HSBC ang kumausap sa akin. *kindat, kindat.




~ isinulat ni kookie ng 3:40 PM :.

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

Layout design © halfwaygully.com